Hindi pa o Hindi na?

Sabi nila, chase for your happiness, choose what your heart wants, take the risk. Happiness. Masaya. Pero masakit rin pala.

Mali bang mahalin ulit yung taong minsang naging dahilan ng luha at sugat sa puso mo? Mali bang tanggapin yung taong minsang sumira sa tiwala at pananalig mo? Mali bang maniwala ulit sa mahika ng pag-ibig na minsang lumason sa sistema mo? Kapatawaran ba tawag don o katangahan?

Malamang, sasabihin ng marami katangahan. Oo nga naman, sinuka mo na nga eh, lulunukin mo ulit? Sinaktan ka na nga eh, papasugat ka ulit?

Dapat bigyan muna ng panahon bago bumigay ulit, maghintay sa tamang oras para sumubok muli. Tanging oras ang makapagpapasya kung pwede na o hindi pa. Oras. Ano nga ba talaga nagagawa ng oras? May katuturan nga ba ito sa nararamdaman at desisyon ng isang tao? Ilusyon lang ba ito? Pumipigil sa ligayang nararamdaman, o nagtatanggal sa sakit na pinapasan; kumukulong sa damdamin o nagpapalaya sa mithiin; nagdidikta kung kailan dapat magmahal o naglalayo sa pagiging hangal; nagtatakda sa matamis na pagbabago o lumalamon sa pagkatao sa gitna ng mapanghusgang mundo?

Bigyan ng panahon. Three-month-rule. Bago magpasyang pumasok muli sa isang relasyon ang dalawang pusong naghiwalay, dapat bigyan ng panahon ang isa't isa na maghilom, bilang respeto na rin sa nararamdaman ng bawat panig. May punto nga naman. Masakit yung sa maikling panahon eh may bigla nang ipinalit sa'yo. Pero gaano ba kahaba ang panahon na dapat na ibigay sa isang tao para magmove-on? Three months? Kung binigyan ka ng three months, sigurado ka bang naka move-on ka na? Minsan, dahil sa mapanghusgang opinyon ng marami, naaapektuhan pati konsepto natin sa panahon, paghilom at pagbitaw. "Huwag ka munang pumasok sa panibagong relasyon, kakahiwalay n'yo pa lang." "Bakit mo sya tinanggap agad? 'Di mo man lang binigyan ng panahon para malaman kung seryoso ba sya.Eh paano 'yung isa?" "Bakit ang bilis?" Ito yung mga komento at tanong na paulit-ulit kong naririnig, at malamang palihim na itinatanong ng mga taong nakakasalubong ko araw-araw. Gaano ba talaga kabilis ang mabilis? Gaano ba katagal ang isang buwan? tatlong buwan? isang taon? limang taon?

Minsan nakakulong tayo sa ideya ng oras na may tamang panahon para magmahal. At minsan yung tamang panahon para sayo, eh masyadong mabilis naman sa iba. Dito ko napagtanto, hindi kaya magkakaiba tayo ng "tamang panahon"? Yung "tamang oras" para saken eh malamang hindi pa tama para sa iba. Na may kanya-kanya tayong timing na hinihintay sa buhay at minsan hindi yun tugma sa oras ng iba. At kung napagpasyahan mong gawin ang bagay sa "tamang panahon" mo na taliwas sa "panahon" ng iba, kukutyain ka na, huhusgahan, sisiraan, pagbabantaan. Kelangan ba talaga magbigay ng "time requirement" para masabing mahal mo ang isang tao? Na pwede ka nang magmahal ulit? Kulang pa yata sa iba yung maraming taong paghihintay at pananahimik para husgahan ka ng "ang bilis mo namang bumigay". Mga tao nga naman. Masyadong makitid ang pagpapakahulugan sa pag-ibig at oras.

Marahil hindi mauunawaan ng mga tao kung ano ang nagtulak sa isang puso para magpatawad at magmahal muli, dahil habangbuhay silang nakatuon sa taong nasaktan at nabiktima. Kahit kailan, di nila matatanggap ang isang umuusbong na pag-ibig dahil sa likod nito ay may may mga matang namumugto sa pagtanaw rito. Kahit kailan, mali ang magmahal muli kung may nasasaktang iba. At kahit kailan, mali ang tanggapin muli ang taong may nasaktan ding iba.


<3

Comments

Popular posts from this blog

Dream for Others to Dream

Kaya Kong Mag-isa